"Panalangin Para Sa Pamilya"

Ang pamilyang sama-samang manalangin ay kapit-bisig din sa mga pagsubok na haharapin. Walang mabigat na problema sa pamilyang nagkakaisa.


Panginoon, maraming salamat po sa biyaya ng isang pamilya. Dalangin po naming maghari ang pag-ibig, kapayapaan at kabutihan sa aming tahanan. Gabayan mo po ang bawat isa sa amin at patnubayan ang aming mga gawain.

Hipuin Nyo po kami ng Iyong mapagpalang kamay. Pagkalooban ng mabuting kalusugan upang malabanan namin ang kahit ano mang karamdaman. Ilayo Nyo po kami sa ano mang kapahamakan. Manatili po kaming matatag lalo na sa panahon ng kahinaan at pagsubok. Maging matibay ang aming pananampalataya sa Inyo. Ituro Nyo po sa amin ang tamang landas upang kami ay maging karapat-dapat sa Iyong pagpapala. Patuloy nyo pong basbasan ang bawat pamilyang nakakaranas ng kahirapan, nawawalan ng pag-asa at naliligaw ng landas.

Sana po’y mangibabaw ang kababaan ng loob ng bawat isa sa mga pagkakataong di kami nagkakaunawaan. Kayo po ang manahan sa aming puso at isip upang malabanan naming ang pangamba at takot lalo na sa kasalukuyang krisis na aming kinakaharap. Nawa’y malampasan namin ito at unti-unti kaming makabangon sa Iyong habag at tulong.

Kayo po ang nakakaalam ng pinakamabuti para sa amin. Batid Mo po ang aming pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay. Ipagkaloob Mo po na matupad ang aming mga pangarap ng magandang kinabukasan.

Panginoon, Kayo po ang aming lakas at aming tagapagligtas. Yakapin mo po ang bawat pamilyang Pilipino ng Iyong walang hanggang pagmamahal. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong banal na pangalan. AMEN


Mas mararamdaman nyo ang bawat salita kung papanoorin nyo ang video na ito...


"Simula, Katha ng Isang Makata"

GRABE SYA!!! 

Ang lalim ng mga salitang namutawi sa kanyang mga labi. Ngunit, subalit, datapwat, napakahusay nyang gumawa ng tula. Kapatid, ikaw na ang tunay na makata 👏👏👏


SIMULA

Malamig. Hanging labas masok sa aking dibdib
Dumilat. Nasilaw sa ilaw na sa bintana’y nakasilip
Nag-inat. Ginising ang katawang nais pang umidlip
Buhay ako. Salamat

Walang tutumbas sa gandang dulot ng umaga
Ang bukang liwaway na laging nanghahalina
Ibinabalik tayo sa ating pagkabata
Sabik na sabik sa pasalubong nitong dala
Puno ng mga pangako ng bagong simula

Kanya-kanya tayong dahilan ng pagsisimula
May nagsisimula dahil may natapos
May nagsisimula dahil may naubos
May nagsisimula dahil sawa na sa poot
May nagsisimula dahil nais makalimot
May nagsisimula dahil ayaw na sa luma
May nagsisimula dahil may bagong nakasalamuha
May nagsisimula dahil may gustong patunayan
May nagsisimula dahil ayaw na sa nakasanayan
May nagsisimula sapagkat, wala lang, maiba lang

Anu’t ano pa man ang dahilan ng ating pagsisimula
Mainam na bitbit pa rin nating ang mga alaala ng nakaraan
‘Di upang hilahin tayo nito pabalik, kundi upang magsilbi itong gabay
Sa bagong landas na pinili nating lakaran
Landas na hindi sigurado ang patutunguhan
Landas na puno ng mga hamong kailangang lampasan
Ngunit hindi alintana ang kawalang katiyakan
Dahil umaasa tayo na sa dulo, naroon ang tunay na kaligayahan

PANOORIN NYO ANG VIDEO para maramdaman nyo ang tunay na kahulugan ng bawat salita.