Posts

Showing posts from November, 2017

"Nabaling Pakpak"

Image
Sa isang iglap ang ngiti mo wari’y lumisan Namalas ang tamlay  sa iyong mga mata Kagyat naglaho ang  talino, sigla at saya. Pagkabagot at inip ang umuulayaw  sa bawat araw  na magdaan Ang makita ka sa ganitong kalagayan sadyang kumukurot  sa aking kaibuturan. Ang talas  ng iyong isip napudpod na  parang lapis Nabura ang alaala ng  mga numero at letra Mga dating kaalaman naligaw kung saan. Di tiyak kung kailan muli mabubuhay ang bawat himaymay na nawalan ng malay Kalusugan ay tunay na kayamanan Ngayon ito’y pahalagahan at ingatan. Nawa’y dinggin ng Maykapal ang aking  bawat dasal Hangad ko ang iyong  ganap na kagalingan Ipagkaloob Nyang muli  ang ‘yong kalakasan. Sa iyong braso’y may nakaguhit na agila na tulad mo, animo’y nanlumong bigla Subalit buo ang aking paniniwala na ang pakpak na nabali ay lilipad na muli.